Tiyak na babaguhin ng Galaw ng Asoge

ang patutunguhan ng nobelang

Tagalog sa malapit na hinaharap.

Dr. Cirilo F. Bautista

 

Excerpt Galaw ng Asoge

 

Kabanata Tatlumpu’t Walo

Nang sumapit ang gabi ng Sabado, nakaupo na ako sa loob ng Carmona

Coliseum sa Pasay. Ikaanim at kalahati pa lamang ay nandoon na ako. Nguni’t

bago ako pumasok ay nagmirindal muna ako sa isang kalapit na kapihan—

kanin at adobong manok, leche flan, kape—dahil hindi ko sigurado kung pang-ilan

sa nakatakdang labanan ang kay Ben.

Maluwang ang loob ng koliseyo. Pinalalamig ito ng ilang malalaking

airconditioner. Maaaring maglaman ito ng limang libong katao. Ang mga

upuan ay bago pa, yari sa bakal at pinintahan ng itim. Sa mataas na kisame

ay nakabitin ang maraming ilaw na nagsasabog ng sapat na liwanag sa ibaba.

Dalawang boksingero ang kasalukuyang naggigirian sa loob ng ruweda,

mga bantamweight, at tila hindi nila naaaliw ang mga nanonood. Hindi pa

batikan ang dalawa, kulang pa sa kasanayan, magaslaw pa ang mga galaw.

Nagsisigawan ang ilang manonood, ang iba ay sumisipol, upang mahikayat

sila na magsalpukan nang husto. Ang nakayayamot na laban, na nagwakas

sa tabla ay sinundan pa ng tatlo, kaya’t mag-iikasiyam na nang pasimulan

ang laban ni Ben.

Anim na round. Featherweight. Tumahimik bigla ang mga tao nang

ipakilala ang kalaban niya, si Teddy Marton. Ang dinig ko ay magaling siya

at ang pustahan ay kumikiling sa kanya. Higit na matipuno siya, kulot ang

buhok, malapad ang mukha at pango ang ilang. Matalim ang kanyang tingin

na nagsasabing hindi tatagal ang kanyang kalaban. Palakad-lakad siya,

pasuntok-suntol sa hangin.

Si Ben naman ay mas mataas, maigsi ang gupit. At pinaki-

kinggang mabuti ang tagapagpakilala. Inihudyat ng kampana ang

unang round. Ilang suntok agad ang binitiwan ni Marton, nguni’t ang

mga iyon, kahit malalakas, ay walang saysay dahil hindi tumama.

Nakangisi siya habang tinutugis si Ben, subali’t ang huli ay maligsi

at nasasangga ang iginagawad sa kanya ng katunggali. Walang

ibinigay na suntok si Ben sa unang round, nguni’t sa pangalawa ay

minasid niya nang husto ang kilos ni Marton, ang mga puwang sa

pagitan ng kanyang pagsuntok at paghatak ng kamao.  Sa

kalagitnaan ng round ay naging pabaya si Marton—umatras siya

nang hindi agad tinatakpan ang kanyang mukha. Sinamantala ni

Ben ang saglit na iyon, pinukol si Marton ng isang tuwid na suntok

na tumama sa kanyang noo. Nawalan siya ng panimbang at napatapon

sa lubid; sinundan siya ni Ben, tinira sa sikmura at inundayan ng suntok-

paitaas sa panga. Nayanig ang ulo ni Marton, biglang tumiklop ang kanyang

tuhod, at siya ay bumagsak sa sahig. Napatayo ang maraming nanonood,

sinisigawan si Marton na bumangon, nguni’t natapos na ang ika-sampung bilang

 ng reperi ay hindi pa siya makatindig.

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
   
 

“Maraming nalugi dahil sa iyo,” biro ko kay Ben pagkatapos ng kanyang

laban. Papuna kami sa paradahan ng mga sasakyan sa likod ng gusali.

Ngumiti siya. “At minadali mo ang pagpapatulog kay Marton.”

‘Bakit ko pa pa patatagalin kung matatapos ko agad? Napansin mong

siya ang nagmamadali, walang tiyaga. Sobra ang tiwala niya sa kanyang

lakas pero hindi siya maingat. Hindi siya nag-iisip.”

“Iyan ang lamang mo sa kanya. Isa kang makata, laging gumagamit ng

utak at tama ang indayog ng buto’t laman. Kung ganyang lagi ang iyong

mga laban, aba, sa makalawa lamang ay kampeon ka na. Ang kauna-

unahang makatang kampeon sa boksing sa kasaysayan ng Pilipinas.”

“At marahil ay mayroon nang maglalathala ng aking aklat,” sabi niya, tapos

ay humalakhak. “Hindi. Sa tingin ko ay marami pa akong kakainin. Mapurol

pa ako, kulang pa ang aking natutuhan. Hindi ko pa nakukuha ang galaw ng

asoge.”

“Asoge?”

“Asoge. Makinang, madulas, malikot, walang tuwid na linyang tinatahak

 pero nakararating sa takdang landas.”

“Sino’ng tagasanay mo? Kumuha ka ng isang eksperto, iyong malawak

ang  karanasan.”

”May napipisil na ako. Pumayag siyang hawakan ako. Kailangan na lang

ang isang kasunduan. Abut-kaya ko naman ang kanyang hinihingi.”

“Kung kapusin ka’y ipaalam mo lang sa akin at—“

“Alam mong tatanggihan ko iyan.”

   
 

“Alam ko. Gusto ko lang ipaalala sa iyo na mayroon kang isang kaibigan 

sa katauhan ng inyong abang lingkod.”

“Salamat. Hindi ko iyan nakalilimutan. Kumusta nga pala ang iyong daigdig,

Amado?”

“Nabanggit ko sa ‘yo ang ilang problema ko. Bumabaligtad ang aming

negosyo, Ben, iyan ang totoo.”

“Ganoong kasama?”

“Oo. Pero inaasahan kong makababawi kami simula sa isang buwan,

pagpasok ng bagong pamahalaan.”

“Ha? Akala ko ba’y ibang partido—“

“Totoo, pero nakipag-ayos ako at natanggap sa ngalan ng

pagkakaibigan.”

“Mabuti naman,” sabi niya. “Ang balita’y bibigyang pansin ng bagong

Pangulo ang ating ekonomiya. Lalo na ang kalakal-panluwas. Gusto niyang

pumasok ang dolyar at lumabas ang mga bagay na yari natin. Tama. Export ang

tugon. Kailangang ipagmalaki ang sariling atin nguni’t kailangang pahusayin muna

ang pagkakagawa. Tignan mo ang Hapon. Balang araw ay masasakop na nila

ang mundo ng kalakalan.”

“Nauumpisahan na nila,” sabi ko. “Ang susunod ay ang Tsina. Kung

mapabubuti ng bagong Pangulo ang tabko ng ating ekonomiya, bayani siyang

ituturing. Natatandaan mo si Benvenuto Cellini? Nang itanghal niya ang kanyang

rebulto ni Perseus, nagandahan ang lahat nang nakakita, at hindi sila huminto sa

pagdidikit ng mga soneto sa pinto ni Cellini. Lahat ng tula ay pumupuri sa kanyang

sining. Kasing-laking papuri rin ang ibibigay sa sinumang makapag-aangat sa

ating kabuhayan.”

“Ewan ko. Magkaiba ang sining at gobyerno. Hindi nagkulang si Macapagal.

Walang katiwaliang naikabit sa kanya. Ang malas lang niya at inabutan siya ng

pagsabog ng Bulkang Taal. Problemang pang-ekonomiya ‘yan. Nariyan pa ang

giyera sa Viet Nam, at ang patuloy na kakulangan ng trabaho para sa mahihirap.

Hindi ako naiinggit sa bagong Pangulo. Marami siyang namanang sakit ng ulo.”

PAGE 1 > PAGE 2
 

 

Back to top or Go to next page