|
Tiyak na babaguhin ng Galaw ng Asoge ang patutunguhan ng nobelang Tagalog sa malapit na hinaharap. —Dr. Cirilo F. Bautista |
|
|
||
|
||
|
||
|
Excerpt Galaw ng Asoge |
|
Continuation ng Kabanata Tatlumpu’t Walo |
||
|
Hindi pambihirang mag-usap kami nang ganyan ni Ben. Malalim ang kanyang kaalaman sa mga kaganapan sa loob at labas ng bansa. Palabasa siya at may likas na pagka-mausisa. Dinukot ko ang aking susi buhat sa aking bulsa at binuksan ang pinto ng kotse. Pumasok ako sa loob, inangat ang kandado sa kabilang panig upang makapasok din si Ben. Binuhay ko ang makina, ang mga ilaw, kumambiyong paatras, at kinuha ang daan patungong Maynila. Mag-aalas-onse na. Maluwag na ang daloy ng mga sasakyan. Magara at kaakit-akit ang mga ilaw na neon sa mga lugal ng kainan, inuman, at sayawan. “Lahat ng pag-asa ay nakaatang sa balikat ng bagong Pangulo,” sabi ko. Kumaliwa ako sa Taft Avenue. “Lalo na’t tila umiigting ang mga pangyayari sa Asya.” “Alam mo bang inisip kong magsundalo at pumunta sa Viet Nam? Oo. Nagpalista ako pero sa huling sandali ay nagbago ang aking isip. Sinong titingin kay Inay.” Nasulyapan kong umiiling-iling siya para bang pinanghi- hinayangan ang pagkawala ng isang mahalagang bagay. “Romantiko ako, kagaya mo—huwag mong ipagkaila yan. Madalas kong mapanaginipang inililigtas ko ang sansinukob buhat sa lahat ng uri ng kapahamakan. Parang kabalyero ng Camelot o San Miguel Arkanghel. Ha, ha!” “Dahil alam kong hindi ko maituwid ang mali, mapabubuti ang masama, mapagaganda ang pangit—romantiko ako, ayon sa ‘yo.” “Pero alam mo bang noon bata ako, ang madalas kong mapanaginipan ay mantekilya? Walang biro. Dahil sawang-sawa na ako sa pan de sal na may lamang asukal. . . .Romantiko ka, Amado, subali’t may natatago kang lakas o kakayahan upang makagawa ng pagbabago, kung nanaisin mo.” “Ang nais ko’y makakuha ng bomba na magpapasabog sa buong mundo,” biro ko. “Napakalupit mo naman. Papatayin mo kahit ang mga mabubuti para lang mapuksa ang masasama.” “Ganyan ang nangyayari ngayon, hindi ba? Nadadamay ang lahat sa kabuktutan ng kakaunti.” |
|
![]() |
||
“Ay, ang nawalang Paraiso ni Milton ay hindi maibabalik sa Pilipinas, hindi sa nalalapit na mga siglo. Sabi nga ni Inay—‘Huwag kang umasa sa wala.’” “Akala ko ba’y romantiko ka? May pag-asa pa rin, kung ayaw mo sa bomba. Kaya lang, iyon ay isang pirapirasong Paraiso.” “Isang piraso lang ay higit na mabuti kaysa wala. Baka dumating iyan pag-upo ng bagong Pangulo, kagaya nang sinabi mo.” Kumanan ako paakyat ng Quezon Bridge. Sa kanang bahagi ng Quezon Boulevard ay nakaalis na ang karamihan ng maglalako sa bangketa. Sarado na rin ang malalaking tindahan ng sapatos at damit. Madilim sa paligid ng simbahan ng Quiapo. May ilang pulubi na nakahiga sa sulok ng isang gusali, mga kaputol na karton ang kanilang banig. Buhat sa isang jukebox ay pumailanlang ang tumatangis na tinig ni Pepe Pimentel. “Kung iisipin mo,” wika ko, “lahat ng giyera ay mali. . . .” “Hindi ako nakatitiyak. Maraming negosyo ang mababangkarota kung wala iyan. Sa maraming negosyante, kailangan ang giyera upang tumakbo ang kalakalan. Halimbawa, sa armas, de lata, damit, eruplano, sapatos—lahat nang kailangan ng sundalo sa magkabilang panig. Kung tutuusin, ang giyera ay isang pandaigdigang industriya.” “At ang mali ay magiging tama?” “Huwag mong sabihing hindi mo nakikita ‘yan, ikaw na isang negosyante.” “Marahil ay nakapikit pa ang kong mata. Hindi ka ba nagugutom?” “Pagdating sa bahay, isang basong gatas lang ang kailangan ko, tapos matutulog na ‘ko. Pero, kung puwede, huminto muna tayo sa pansiterya diyan sa kanto. Uuwian ko ng pagkain si Inay upang ipagdiwang ang aking panalo.” Sa Panciteria Hung Lu ay bumili si Ben ng pansit gisado at siopao. Umabot sa akin ang katakam-takam na amoy ng bola-bolang isda, hipon, at karne ng baboy. Natutuwang pinagmasdan ko ang Intsik na serbidor habang ibinabalot niya ang umuusok na pansit sa dahon ng saging. Mabilis at sanay ang kanyang mga kamay. Tapos ay pumutol siya ng dilawang papel buhat sa isang rolyo, ibinalot doon ang nagawang tatsulok na pakete, tinalian iyon ng pisi, isinilid sa supot na papel, at iniabot ang supot kay Ben. |
||
“Hindi ko pa nasasabi sa ‘yo na natagpuan na namin si Lando,” wika ko nang umandar kaming muli pagawi ng España. “Ang anak ni Blanca Dancel? Saan?” “Natatandaan mong hindi siya sumama sa kanyang ina sa Cebu. Nag-aplay siya ng trabaho sa aming opisina, nguni’t nang mamukhaan si Gerry ay biglang umalis. Ngayon ay namamasukan siya sa sapatusan ng isa kong kaibigan. Sa Marikina.” “Mabuting bagay iyan. Alam na ng ama mo?” “Oo. Nasa kanya na ang susunod na hakbang.” Pero anong hakbang iyon, tanong ko sa sarili nang pauwi na ako pagka- tapos kong ihatid si Ben sa Balic-Balic. Ang mga hakbang niya ay nagiging matatag at mabilis. Ilan pang laban, puspusang pagsasanay, pagdaragdag ng lakas sa mga kalamnan, tamang diyeta, at siya at gagawi na sa landas ng kampeonato. Marahil mas tama siya. Ang dapat galaw sa buhay ay ang galaw ng asoge, na kung magagaya ng tao ay magbibigay sa kanya ng lubos na kalamangan kangino man. Subali’t ang aking ama, sa pakiwari ko, ay nawalan na ng interes sa mga bagay na dati ay buhay ng kanyang buhay. Ang huli niyang hakbang, kung hakbang na maituturing iyon, ay ang humubog ng sariling kulungan, ng katawan at isipan, upang doon sariwain ang mga naglalahong araw ng tagumpay at katanyagan. Ngayon ay kinapupuotan ko ang kanyang mga ligaw na gawi, gaya nang kinapupuotan ni Blanca ang kanyang kaduwagan, o ni Lando ang kanyang kapabayaan. Lalasugin ng panahon ang dating matibay na dugtungan ng aming mga puso, at maiiwan akong manhid sa kanyang pagkukunwari. Nguni’t sino ka upang humatol sa ibang tao, tanong ko rin sa sarili. Ikaw na rin ang nagwika na hindi dapat humatol upang hindi mahatulan. Bah, handa na akong mahatulan, handa na akong lumagda sa dokumento ng pagsasakdal. Nangiti ako sa kabigatan ng mga salitang iyon. “Makata ka talaga,” sasabihin ni Mama, “at parating malago ang mga titik mula sa bibig. Nguni’t kadalasan, mga titik na walang silbi, parang lagibas na gulay.” Ilalagis ko, kung gayon, upang makamit ang isang lubusang katalasan na kikitil o magbibigay-buhay. Kinabig kong bigla ang manibela upang iwasan ang isang trak na biglang tumawid sa aking dinaraanan buhat sa kung saan. Hindi nagtagal ay nakarating na ako sa aming garahe. Pumara ako sa tabi ng Mercedez-Benz, pinatay ang ilaw ng kotse, ang makina, bumaba, isinusi ang pinto, at pumasok sa bahay. Sa itaas ng hagdanan ay nakatayo si Clara. Umakyat ako. “Narinig ko ang kotse mo. Huwag mong kalimutan—bukas bibisita si Ricardo,” sabi niya. Magkahalong tuwa at pagkabahala ang natunghayan ko sa kanyang mukha.” |
||
|